Alam ba ninyong mula nang i-deregulate ang industriya ng langis sa bansa at patawan ng mga dagdag na buwis, apat hanggang limang ulit na mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina kumpara sa bilis ng pagtaas ng minimum wage ng mga manggagawa?
Pero para kay President Duterte at mga alipores n’yang neoliberal, hindi pa sapat ang kalbaryong ito ng mamamayan.
Dobleng-dagok pa ang hinaharap natin ngayong linggo sa taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Unang dagok – muling nagtaas ng presyo ang mga kumpanya ng langis dahil pa rin daw sa galaw ng presyo sa world market. Sa lumabas na report sa media, nasa 80 centavos per liter ang OPH (oil price hike) sa gasolina, 55 centavos sa diesel, at 55 centavos sa kerosene.
Deregulated ang industriya ng langis sa bansa. Awtomatiko ang pagbabago sa presyo linggo-linggo sa mga gasolinahan para raw i-reflect ang galaw ng presyo sa world market. Ito ang ikatlong sunod na linggo ng OPH sa pagsisimula ng “ma-Digong bagong” taon natin.
Pangalawang dagok – inaasahang ipatutupad na ngayong linggo ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion). Sa naunang pahayag ng DOE (Department of Energy), nasa Php2.97 per liter ang OPH sa gasolina, Php2.80 sa diesel, at Php3.30 sa kerosene – kasama ang 12% VAT (value-added tax).
Ibig sabihin, aabot ang big time OPH sa Php3.77 per liter sa gasolina; Php3.35 sa diesel; at Php3.85 sa kerosene sa pinagsamang impact ng TRAIN at deregulasyon.
Kung tutuusin, doble ang kubra ng gobyerno sa langis dahil sa TRAIN. Pasok sa kwenta ng VAT sa presyo ng langis ang excise tax (at iba pang buwis) sa iniimport na petrolyo. Dahil itataas ng TRAIN ang excise tax, tataas din ang koleksyon mula sa VAT sa langis. Syempre pa, lahat ng ito ay papasanin ng publiko.
Napakabigat nito lalo na para sa mahihirap nating kababayan na direktang tatamaan ang kabuhayan. Halimbawa, sa isang iglap, ang gastos sa langis ng isang tsuper ng jeep ay lolobo nang lampas Php100 sa maghapong pasada (batay sa konsumo na 30 liters ng diesel). Ang gastos ng mangingisda sa balikang byahe sa laot ay tataas nang halos Php38 (sa konsumo na 10 liters ng gasolina).
Pambili na sana ito ng isa hanggang tatlong kilo ng bigas (Php27 per kilo na regular NFA rice o Php37 na regular commercial rice) pero kukunin pa ng gobyerno sa mga pamilyang hindi na nga halos makahinga sa pagsisikip ng sinturon.
Pero ang bad news pa, karugtong ng OPH ang pagtaas ng iba pang bayarin. Sa leeg na yata ng mahihirap gustong ilagay ng pamahalaan ang pinahigpit na sinturon. Samantala, ang mga super yaman, may discount pa para sa kanilang luho sa ilalim ng TRAIN.
Bago pa ang TRAIN ni Digong, matagal na tayong pinahihirapan ng deregulasyon at ng buwis sa langis. Nagsimula ang deregulasyon noong 1996. Kung ikukumpara ang kanilang real prices (adjusted for inflation) ngayon at noong simula ng deregulasyon, lampas-doble na ang presyo ng gasolina at diesel.
Ang estimated increase ng real price ng diesel sa pagitan ng 1996 at 2018 ay nasa 131% habang sa gasolina naman ay 118 percent. Sa parehong panahon, ang real wage ng mga minimum na sahurang manggagawa sa Metro Manila ay lumaki lamang ng 27 percent.
Pumatong sa halos lingguhang OPH sa deregulasyon ang mga pabigat na buwis gaya ng naunang excise tax na ipinataw sa mga produktong petrolyo noong 1996; ang 12% VAT (value-added tax) noong 2005; at ngayong taon, itong dagdag na excise tax dahil sa TRAIN. (Tingnan ang chart sa taas)
Sabi dati, “matira matibay”. Pero sa ilalim ni Digong at ng kanyang mabangis na buwis sa langis, “matira mayaman”. #