
TATLONG INA, ISANG LABAN - Jane Balleta, one of the 43 health workers illegally being detained by the military for two months now, is the granddaughter of Ka Osang Beltran (raising clenched fist), wife of the late great labor leader Crispin "Ka Bel" Beltran. Jane's mother, Ofel, stands in the background of this photo taken during the March 18 hearing called by the Commission on Human Rights (CHR). Jane has a two-year old daughter.
matagal, matagal na matagal para isipin mong sana nga’y totoong pumuputok ang stethoscope
at ang mga tableta’y granadang sumasabog; matagal upang ang hiringilya’y magbaga’t umusok
lumaya lamang, lumaya lamang
habambuhay ang katumbas ng mahigit isang libo’t apat na raang oras ng pag-aalalang walang patid
habambuhay ang katumbas ng mahigit limang milyong segundo ng pangungulilang tuluy-tuloy
madalas ay hindi mo na alam kung saan nagtatapos ang bangungot at ang katinuang gising
dahil bangungot na walang humpay ang paghihintay, pinahahaba ng walang katapusang kilometro ng mga byaheng paroo’t parito, sa kampo, sa korte, sa kampo, sa mendiola, sa korte
hila-hila natin ang buong bigat ng maraming gabing walang tulog at pasan-pasan ang daan-daang pahina ng mga ebidensya’t testimonyang nilapastangan nila, paulit-ulit nilang nilalapastangan ang ating pagkatao – ah, at hindi natin maintindihan kung bakit hindi ito maintindihan ng utak ng mga hukom-hukumang bugok pa sa itlog na bugok –
at tulad ng utak nila’y gusto ring bulukin ang ating pag-asa, gusto nila tayong patayin sa pagkabagot at walang dulong paghihinagpis, gusto nilang isa-isa tayong sumuko sa tortyur at medalya nilang isasabit sa dibdib ng mga berdugo ang bawat pasa ng ating kaluluwa.
pero alam nating mahapo man tayo’y hindi magugupo, saklutin man ng inip paminsan-minsan ay hindi minsan magdadalawang isip, na sa labanang ito, katulad ng marami na nating digmaan, ay tayo pa rin ang magwawagi –
hindi ba’t mahigit isang libong ulit na nila tayong patraydor na pinaslang?
hindi ba’t mahigit dalawang daang beses na nila tayong dinukot upang hindi na muling ilitaw?
hindi ba’t daang libo, milyong oras na nila tayong ipiniit?
paano nilang mauubos ang dugong hindi naman sa ating katawan dumadaloy kundi sa mga ugat ng lupa, malalim na malalim, malawak na malawak, dumadaloy hangga’t may kapatagan, burol, bundok, at lambak; at hangga’t mula sa lupang ito’y patuloy na umuusbong ang mga api, may kumadronang maingat na aalalay upang sila’y iluwal, at may nars at doktor na buong pag-aarugang lalanggasin ang hindi naghihilom na sugat ng kanilang kahirapan. at hangga’t ang lupa’y patuloy na nagsisilang ng api, patuloy rin itong magsisilang ng mga rebelde – rebeldeng doktor, kumadrona, nars, community health worker, pari, madre, estudyante, abugado, guro, call center agent, makabayang negosyante, OFW, manggagawa, magsasaka, katutubo, sidewalk vendor, maralitang lunsod, ina, asawa, anak, kapatid…
paano nilang magagapi ang bayang rebelde?
April 6, 2010 – dalawang buwan na mula nang dukutin at iligal na ikulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang 43 health workers – kabilang ang dalawang doktor, isang nars, isang midwife at 39 na community health workers – sa bintang na sila’y mga kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA). Para sa karagdagang impormasyon at mga update kaugnay sa kanilang kaso, bisitahin ang website ng Bayan.