
Huwag pigilan na lumuha
Hindi lahat ng pagtangis
Ay hinagpis
Hindi ba’t mas dalisay
Ang maiyak sa galit
Nang dahil sa pag-ibig
Para sa bayang sawi?
Kaya huwag umiyak
Nang tahimik
Huwag ikubli ang hibik
Sa halip hayaang
Ligaligin ng taghoy
Ang himbing ng gabi.
Hanggang ang bawat
Patak ng luha
Ay maging unos
Hanggang bawat agos
Ay maging daluyong
Hanggang maging sigwa
Na tatapos
Sa muling pagtutuos.
Kaya umiyak ka
Pero huwag malulugmok
Sa lungkot
At sa halip ay
Masiglang bumangon
Sa bawat umaga
Ng tunggalian
At mga hamon –
Gaya noon.