TRAIN: Si CEO, ang kanyang luxury car at si manang tindera

Si manang tindera at kapwa mahihirap nyang suki ang magbabayad sa matitipid ni CEO sa kanyang luxury car.

Advertisements

(Larawan mula sa expatch.org)

Isipin n’yo ito –

Kapag bumili, halimbawa, ang presidente o CEO ng isang malaking kumpanya ng luxury car gaya ng Toyota Alphard 3.5 V6 na ang presyo ay nasa Php3.28 million, makakatipid siya nang hanggang Php337,000.

Si manang tindera sa sari-sari store na kailangang bumyahe sa Divisoria para mamili ng mga paninda ay maaaring magbabayad ng dagdag-pasahe sa dyipni nang hanggang Php4, o hanggang Php8 kung balikan. Magiging mas mahal na rin ang bibilhin nyang mga paninda gaya ng yosi na tataas ang presyo nang Php2.50 bawat kaha at softdrinks na tataas nang Php12 kada litro. Kailangan ni manang tindera ng mas malaking puhunan, habang maaaring liliit naman ang kanyang dati nang maliit na kita.

Si manang tindera at kapwa mahihirap nyang suki ang magbabayad sa matitipid ni CEO sa kanyang luxury car.

Ito sa simpleng salita, ang ibig sabihin ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) para sa mayaman at mahirap.

Nakakalula ang laki ng sahod ng mga CEO ng mga dambuhalang korporasyon sa bansa. Ang average na sahod ng CEO ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC) at Meralco nina Manny V. Pangilinan ay nasa halos Php8 million kada buwan. Ang mga CEO na nasa Ayala ay sumasahod ng halos Php7 million kada buwan. Sina Ramon Ang sa San Miguel Corp. (SMC), sumasahod kada buwan nang halos Php6 million. Si manang tindera? Swerte nang kumita ang kanyang pamilya ng Php2,700 sa isang buwan (batay sa 2015 Family Income and Expenditure Survey o FIES ng gobyerno).

Directors-Salary-v2
Mula sa Entrepreneur Philippines

Noong 2016, ang tinubo ng top 1,000 corporations sa bansa na kontrolado nina Pangilinan, Ayala, Ang at iba pang super rich kasama na ang mga dayuhan ay umabot sa Php1.24 trillion, mas malaki pa nang halos 15% sa tinubo nila noong 2015.

Yan lang ang deklarado o alam ng publiko. Magkano pa kaya ang totoo? Kaya walang epekto sa kanila ang anumang taas-presyo sa mga produkto o serbisyo. Sila nga ang may monopolyo sa mga produkto at serbisyo sa bansa at lahat ng taas-presyo ay ipinapasa sa pobreng mamimili. Laruan lang sa super rich ang mga luxury cars, tapos makakatipid pa sila nang daan-daang libo kapag bumili ng mga ito?

Sa kabilang banda, marami sa mga Pilipino ang gaya ni manang tindera na umaasa sa informal economy bilang nagtitingi ng produkto o nagbibigay ng serbisyo gaya ng mga drayber ng traysikel at dyipni, o mga tindera sa karinderya. Wala silang buwanang sahod. At marami sa kanilang kostumer ay mga galing din sa informal economy. Ibig sabihin, hindi sila makikinabang sa mas mataas daw na take home pay dahil sa mas mababang income tax. Pero tiyak na tataas ang kanilang gastos.

Si manong tsuper ng dyipni ay magbabayad ng dagdag na Php2.80 kada litro ngayong taon sa diesel habang si manong traysikel drayber ay may taas-gastos sa gasolina nang Php2.97 kada litro. Si manang may-karinderya ay tataas ang gastos sa LPG nang Php12 kada tangke (11-kg). Batay ito sa pahayag ng DOE.

Paano ang mga magsasaka at mangingisda – na pinakamataas ang poverty incidence sa lahat ng sektor (kapwa nasa 34% sa pinakahuling official data) – na umaasa sa kerosene, na tataas nang Php3.30 kada litro dahil sa TRAIN (pinakamalaki sa lahat ng produktong petrolyo) bilang pang-ilaw, pangluto at sa paghahanapbuhay?

Ngayong taon pa lang yan. Sa susunod na 3 taon, lalo pang tataas ang presyo ng langis dahil sa TRAIN, bukod pa sa halos linggo-linggong oil price hike dahil sa deregulasyon. Binibilang pa lang natin ang direktang impact. Ang pagtaas sa presyo ng langis (at kuryente bunga pa rin ng TRAIN) ay may domino effect sa presyo ng iba pang produkto’t serbisyo.

Lampas 15 million ng mga may-trabaho sa bansa ang walang regular na buwanang sahod o hindi nga sumasahod kahit nagtatrabaho, katumbas halos ng 37% ng kabuuang bilang ng employed noong 2017, kabilang ang gaya nina manang tindera at manong drayber. Paano pa kaya ang mga walang trabaho na nasa 2.4 million batay sa pinababang unemployment rate ng gobyerno?

Pero maraming ordinaryong manggagawa o empleyadong may regular na sahod ay hindi rin naman makikinabang sa TRAIN. Walang madadagdag sa sahod ng mga dati nang sumasahod ng minimum wage o mas mababa pa na bumubuo sa halos kalahati (46%) ng lahat ng manggagawa sa Pilipinas. Pero papasanin nila ang pagtaas ng mga presyo’t bayarin dahil sa TRAIN.

Kakarampot na nga ang minimum wage sa bansa. Bago pa ang impact ng TRAIN, ang minimum wage ay wala na sa kalahati ng tinatayang cost of living (hal. sa NCR, nasa Php1,130 ang cost of living kada pamilya kada araw kumpara sa arawang minimum wage na Php512). Paano kung maging mas mahal pa ang mga bilihin at serbisyo dahil sa dagdag-buwis?

Babawiin din ng taas-presyo dahil sa dagdag-buwis ang sinasabing pagbaba ng personal income tax. Kahit ang mga mataas-taas ang sahod at may pambayad pa, halimbawa, sa Uber o Grab ay hindi ligtas. Nagsabi na ang Grab ng taas-singil sa pasahe nang aabot sa Php13 dahil sa TRAIN. Mas mataas na ang gastos sa gasolina ng mga de-kotseng middle class. Hindi pa pinag-uusapan na inaalis ng TRAIN ang dating tax exemption na hanggang Php100,000 para sa 4 na dependents (hal. anak) ng isang taxpayer (o Php25,000 kada dependent) bukod pa sa personal exemption na Php50,000.

Isang paraan ang progresibong pagbubuwis para tiyakin ang makatarungang pamamahagi ng yaman ng isang lipunan. Pero kung ang mahihirap ang papasan ng buwis para sa maluhong pamumuhay ng mayayaman, hindi lang iyan regressive, pang-aapi na iyan. #

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s