Governance

Ma-Digong Bagong Taon!

(Kuha ng Inquirer.net)

Sa ulat ng PAGASA, ang bagyong si Agaton ang sumalubong sa atin sa bagong taon. Paalala ito sa maraming bagyo na aasahan natin sa 2018. Pero hindi lang iyong mga binabantayan ng PAGASA.

Mas matindi ang pinsalang dadalhin ng mga bagyo ni Pang. Duterte. Una na rito ang bagyo ng taas-presyo, bayarin at buwis.

Hindi pa nga nakakabwelo ang 2018, malaking oil price hike na agad ang bumati sa mga motorista. Dahil ito sa umiiral na deregulasyon at hindi pa kasama ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ni Duterte. May panimulang one-time, big-time na Php2.50 per liter dagdag-presyo sa diesel ngayong taon dahil sa TRAIN; Php2.65 naman sa gasolina. Kasunod na nito ang taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan. Nakaamba ang mga petisyon na itaas ang pasahe hanggang Php4.

Sa mga darating na buwan, asahan din ang malakihang pagtaas ng singil sa tubig. Nagsisimula na ang tinatawag na rate rebasing ng Manila Water at Maynilad. Bahagi ito ng pribatisasyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Humihirit ang Manila Water ng Php8.30 per cubic meter na dagdag-singil habang Php9.69 naman ang Maynilad. Bukod pa ito sa mga regular na pagtataas ng singil sa tubig gaya ng ipatutupad na nila ngayong Enero dahil sa taunang implasyon.

Isa pang mapaminsalang bagyo na dala ni Pang. Duterte simula sa 2018 ang demolisyon at dislokasyon. “Modernisasyon” ang tawag dito ng MalacaƱang. Sa sektor na lamang ng transport, halimbawa, sa “modernisasyon” ng Philippine National Railways (PNR), nasa 100,000 pamilya ang mapapalayas sa kanilang mga komunidad. Daan-daan libong tsuper naman ang mawawalan ng hanapbuhay sa phaseout ng may 200,000 jeepney. Sa likod nito ang tubo ng mga negosyo at bangko, kabilang ang mga dayuhan.

Samantala, matagal nang sinimulan ni Pang. Duterte ang bagyo ng paglabag sa karapatang pantao, panunupil, Martial Law at pagtatayo ng diktadura. Pero ang nakababahala, lalo pang nagtitipon ng lakas ang bagyong ito. Ngayong taon, inaasahan ang tuluyang paggulong ng pagpapatalsik kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kasabay ang Charter change (Cha-cha). Kapwa ito nangangahulugan ng mas mahigpit na kontrol sa estado poder at pagpapanatili sa kapangyarihan ng kampo nina Pang. Duterte. Nangangahulugan ito ng mas malulupit na paglabag sa mga karapatan ng mamamayan.

Pinakamalaking pananggalang sa atake ng mga bagyong ito ni Pang. Duterte ang organisado at determinadong pagkilos ng mga aktibista, progresibo at rebolusyunaryong mga grupo. Kaya sila rin ay mas marahas na hahagupitin ng bagyo ng crackdown at all-out war ng Pangulo.

Marami nang bagyo ang dumating sa ating bayan. Pero paulit-ulit tayong bumangon at nagtagumpay sa lahat ng unos. Habang ang mga Pangulo at kanilang bagyong dala ay lumipas at nagdaan. #

Standard

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s