Sports

Ay, Pacquiao

pacquiao - chris farina top rank

Photo from Chris Farina/Top Rank

Magtutuloy-tuloy ba ang pamamakyaw ni Manny ng titulo at titirising parang kuto si Miguel?

Sabi ng isang artikulo, malayo na ang narating ni Manny Pacquiao mula sa mala-Palito nitong hairstyle at ‘syanong hip-hop na porma. Sukatan na nga raw ng mga baklang fashionista ang minsang ipinakilala sa ring ng isang salbaheng Kanong anawser bilang boksingerong galing sa bundok ng General Santos. Hinintay ko noong umatungal si Manny pero hindi.

Pero tiyak kong bukas uungol si Miguel Cotto sa mga malupit na bigwas ni Manny. Knockout ang prediksyon ni Freddie Roach. Siya ang bet ng mga sugalero sa Vegas at basagulero sa kanto. Siya rin daw ang bet ni Hillary Clinton. Hindi handang mabigo ang milyun-milyong Pinoy sa buong mundo. Nakataya nang buong-buo pati pamato ng ating pambansang kaligayahan sa Pambansang Kamao bukas.

Sa pre-fight press conference, idineklara ni Manny in English na ang duwelo niya kay Cotto ang most important fight ng kanyang karera sa boksing. Target ni Manny na sungkitin ang ika-pitong titulo sa pitong magkakaibang weight division na hindi pa nagagawa sa kasaysayan.

Dapat na ngang mangatog ang tuhod ni Cotto. Most important fight din ni Manny, sabi niya noon, ang mga pinagwagian niyang laban kina Morales, Marquez, Barrera, dela Hoya, at Hatton. Ito na ang MOST most important fight – sa ngayon, bago syempre ang inaasahan at mas pinananabikan niyang bakbakan sa aroganteng si Floyd Mayweather Jr.

Anuman ang mangyari, nakaukit na sa kasaysayan bilang dakilang boksingero si Pacquiao – ang kasalukuyang Pound for Pound King ng bibliya ng boksing na Ring Magazine, isa sa mga pinakamaimpluwensyang tao sa daigdig ayon sa Time Magazine, at isa sa mga pinakamayamang atleta sabi ng Forbes Magazine. Iba na nga ang tingin ni Manny, iba na ang kanyang ngiti.

Hihintong sandali ang mundo ng mga Pinoy bukas. Putul-putol na paghinto para sa mga walang pang-peyperbyu at magtitiyaga sa kilo-kilometrong komersyal ng beer, baterya ng kotse, pain reliever, pulitiko.

At agad na iikot muli hanggang sa susunod na laban.

Standard

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s