Cronyism & patronage

Ang pagmasaker ni Carlo J. Caparas at ng Malacañang sa gawad National Artist

Basahin ang artikulong ito para sa mga sirkunstansya ng kontrobersya.

Carlo J. Caparas with her patron, Mrs. Gloria Arroyo (photo from the pep.ph)

Carlo J. Caparas with his patron, Mrs. Gloria Arroyo (photo from the pep.ph)

Hindi naman daw sa pagbubuhat ng sariling bangko, pero ani Carlo J. Caparas, “napag-uusapan” lamang ngayon ang gawad Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) dahil sa kanya. “I just want to point out the truth. The past winners are not well known. Di nila mapalutang ang award na ito,” ayon kay Caparas.

Kinalimutan niyang ang tinaguriang Hari ng kanyang daigdig ng sining – ang namayapang si Fernando Poe Jr. – ay isang National Artist. Pinag-usapan din ito noong 2006 pero kabaligtaran ng kontrobersya ngayon. Bilang protesta sa pandaraya ni Gng. Gloria Arroyo sa halalang 2004 laban kay FPJ, hindi personal na tinanggap ng pamilyang Poe ang parangal sa Malacañang. Ngayon, hindi makapaghintay si Caparas na tanggapin ang parangal mula sa kanyang padron sa Palasyo sa kabila ng mga batikos ng “dagdag-bawas”.

Sa kanyang pagkalango sa parangal, naibulalas ni Caparas na marahil “people are making a big fuss about this… because it’s the first time for a National Artist to have such a long title”. Itinanghal ni Gng. Arroyo si Caparas bilang National Artist for Film and Visual Arts.

Mahabang titulo nga, katulad ng titulo ng kanyang mga pelikulang tungkol sa krimen: “The Untold Story – Vizconde Massacre – God Have Mercy on Us”; “The Marita Gonzaga Rape-Slay: In God We Trust”; “Kuratong Baleleng (Wilson Sorronda: Leader Kuratong Baleleng Solid Group)”; at iba pa.

Hindi kaya ang kanyang titulo bilang National Artist for Film and Visual Arts ay tungkol din sa krimen laban sa sining?

Nabulag sa kanyang kapalaluan si Caparas at pumalyang makita ang isyu kung bakit tinutuligsa ang pagkakapili sa kanya, gayundin kay Cecile Guidote Alvarez, bilang mga National Artists. Ani Caparas, hindi katulad ng ibang tinataguriang National Artists, nakapagbigay sya ng trabaho sa daan-daang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga gawa sa telebisyon, pelikula, at komiks. Sikat din daw ang kanyang mga obra, katulad ng Maggie dela Riva Story na pinanood diumano ng 40% ng populasyon ng Metro Manila nang ipalabas ito noong 1994. Samantalang ang kanyang mga kritiko ay hindi man lamang kilala ng masa.

Kung ganito ang pamantayan upang maging National Artist, dapat bang maging pambansang alagad ng sining si John Loyd Cruz o si Sarah Geronimo bilang mga bida sa pelikulang “You Changed My Life”? Kung tumpak ang mga tala, ito diumano ang highest grossing Filipino film of all-time matapos tumabo sa takilya ng P230.44 milyon. Dapat din bang parangalan bilang pambansang alagad ng sining si Mother Lily Monteverde na hindi lamang daan-daan kundi libu-libo ang nabigyan ng trabaho lalo na noong panahon ng kanyang mga pelikulang “pito-pito” sa ilalim ng Regal Films at sa gitna ng rumaragasang krisis pampinansya sa Asya noong huling bahagi ng 1990s?

Sapat bang tinangkilik ng masa ang isang pelikula upang maging tunay na pambansang alagad ng sining ang lumikha nito? Hindi ba’t ang sining ay dapat nagmumula at nagsisilbi sa masa, katulad ng mga pelikula ni Lino Brocka o ng mga malikhaing sulatin nina Amado V. Hernandez at Bienvenido Lumbera?

Habang abala si Caparas sa pagtatanggol sa maanomalya niyang pagkakahirang bilang National Artist at pagdidirehe ng bagong pelikula ni Manny Pacquiao, isang “necrological service for the National Artist award” ang pinangunahan ngayong araw (Agosto 7) ng komunidad ng mga alagad ng sining at manggagawang pang-kultura na may malalim na pagpapahalaga sa sining at katarungan.

Standard

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s