Poems, Tribute

Huling martsa

(Mayo 28, 2008 nang magmartsa ang may 20,000 tao upang ihatid ang mga labi ni Ka Bel sa kanyang huling hantungan)

At tayo’y narito na

Sa iyong huling martsa

Narito pa rin ang mga bandilang pula

Hindi nagmamaliw ang sigla ng kanilang pagwagayway

Lalong mahigpit ang pagtangan sa kanila ng mga kinakalyong kamay

At hindi pinakupas ng maraming digmaan ang kanilang kulay.

Bagkus higit silang nagiging matingkad ngayon

Sa bawat igkas ng telang sumasayaw sa hangin

Inuukit sa aking balintataw ang mga lansangang

Tinahak natin noon

Gaano man hilamin ng luha

Sila’y aking abot-tanaw pa rin.

Kaya hindi ko mapigilang hanapin

Sa dagat ng mga sigaw ang iyong tinig

Hindi ko mapigilang hagilapin

Ang iyong kamao sa alon ng dalawampung libong

Kamaong nakatiim

At hinahamon ang mga panginoon

Na ihambalos ang kanilang pinakamalupit na daluyong.

Hindi ko sila natagpuan ngayon –

Ang dating sigaw at kamao,

Hindi ko sila natagpuan ngayon.

Gayunman, salamat!

Salamat at iniwan mo sa akin ang iyong ala-ala at ngiti

Upang ilang ulit man akong dahasin at paslangin

Tiyak kong hindi ako magagapi

Tulad mo noon.

Standard

What do you think?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s